May kakilala ka bang nagta-trabaho sa ibang bansa? Marahil ang isang kapitbahay, kamag-anak o dili kaya’y isang miyembro ng iyong pamilya.
Isa kong kaibigan noong kolehiyo ay nasa Switzerland, nakapangasawa siya ng isang Filipino immigrant.
Yung isa namang kaibigan noong high school ay nasa Dubai. At mula sa kanya ay napag-alaman kong marami-rami palang schoolmate namin ang naroroon.
Isa ko namang dating kaklase, ang buong pamilya ay nasa Amerika na. Hindi na nga niya natapos ang high school kasi noong 3rd year kami kinailangan na niyang lumipad.
Sa pamilya ng tiyahin ko (kapatid ni tatay) dalawang anak niya ay nasa Middle East samantalang dalawang apo naman ang nasa Canada.
Pabalik nang muli ang isa kong kasamahan sa iglesya sa Singapore, tapos na kasi ang kanyang 13-araw na bakasyon.
At kaya pala hindi ko nakita noong linggo ang asawa ni Ate Sol ay dahil nakaalis na ito patunggong Ivory Coast.
Kung isa-isahin ko ang mga taong kakilala ko sa ibang bansa, marahil magiging napakahaba ng blog na ito.
Ayon sa isang pag-aaral, may 8-11 milyong Overseas Filipino Workers (OFW) ang nasa labas ng bansa. Halos sampung porsento ito ng ating kabuang populasyon.
Noong nakaraang taon, nakapag-ambag ng $ 17.3 bilyon sa ekonomiya ng bansa ang padala ng mga OFW (hindi pa kasama rito ang mga ipinadala sa tao at ang mga balik-bayan boxes!), iyan ay ayon sa Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP).
Kahanga-hangang talaga ang kontribusyon ng mga tinaguriang bagong bayani!
Kapuri-puri ang mga mangagawang (nagiging ambassador of goodwill) nagpapakita ng kasipagan, katigaan at kagalingan ng mga Filipino sa iba't ibang larangan sa bawat sulok ng mundo.
Distribusyon ng OFW
United States | 2,802,586 | ||
Saudi Arabia | 1,066,401 | ||
UAE | 529,114 | ||
Canada | 462,935 | ||
Australia | 270,347 | ||
Malaysia | 244,967 | ||
United Kingdom | 203,035 | ||
Japan | 202,557 | ||
Qatar | 195,558 | ||
Singapore | 156,466 | ||
Kuwait | 139,802 | ||
Hong Kong | 130,537 | ||
Italy | 120,192 | ||
South Korea | 80,715 | ||
Taiwan | 74,010 | ||
Germany | 54,336 | ||
France | 47,075 | ||
Bahrain | 44,703 | ||
Spain | 41,780 | ||
Israel | 36,880 | ||
Austria | 30,000 | ||
Greece | 29,344 | ||
Lebanon | 25,818 | ||
Macau | 23,348 | ||
New Zealand | 23,023 | ||
Guam | 22,567 | ||
Norway | 20,035 | ||
Netherlands | 19,163 | ||
Sweden | 18,435 | ||
Ireland | 16,832 | ||
Papua New Guinea | 12,932 |
Subalit, may ilang bagay na kaakibat ng exodus ng mga Pinoy.
Gaano karaming propesyonal na doktor, nars, guro, inhenyero, at iba pang manggagawa, na dapat sana'y direktang nag-aambag ng kani-kanilang kakayahan sa pagpapaunlad ng Pilipinas ang na-iinganyo ng ibang bansa upang linangin ang kanilang populasyon?
Ilang ina ang pikit-matang iniiwan ang sariling anak upang mag-alaga ng anak ng iba?
Ilang ama na sa kanyang pagbabalik sa bansa ay halos estranghero ang trato ng mga anak nito sa kanya?
Ilang Pasko, kaarawan o pagtatapos sa elementarya, high school o kolehiyo ang hindi nasaksihan ng isang tatay o nanay?
Ilang kabiyak ang natukso dahil sa pangungulila sa kanyang minamahal na sa ibayong dagat?
Ilang anak na lumaking walang ama o ina ang napariwa ang buhay?
Bilang isang dating OFW, masasabi kong sapat o di kaya'y higit pa sa hinihingi ng Pinas ang naitutulong namin. Nawa'y matumbasan ng ating gobyerno ang mga sakripisyo ng bawat Filipinong piniling maakat mula sa nakagisnan patungo sa isang lupaing banyaga.
* distribution of OFW as of 2007 --- from wikipedia.com